Pangulong Duterte, galit sa pulis na namaril sa mag-ina sa Tarlac
Napanood na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang viral video ni Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na namaril sa mag-inang Sonya Gregorio, 52-anyos, at Frank Anthony Gregorio, 25-anyos, sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Senador Bong Go, galit ang pangulo sa pulis.
Ipinakita ni Go sa Pangulo ang video.
Nasa Davao si Pangulong duterte at dumalo virtual anniversary ng Armed Forces of the Philippines.
Una rito, sinabi ni Go na kanyang kinokondena ang pamamaril ni Nuezca.
Ayon kay Go, kung mainit ang ulo ni Nuezca, dapat inuna na niya ang pagbaril sa ulo at huwag nang mandamay ng inosenteng Filipino.
“Mariin kong kinokondena ang brutal na pagpatay ng pulis sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio sa Paniqui, Tarlac kahapon. Hindi natin palalampasin ito,” pahayag ni Go.
Pangako ni Go, tutulungan nila ni Pangulong Duterte na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-inang Gregorio.
“Nakikiramay ako sa mga naulilang pamilya. Tutulong kami ni Pangulong Duterte sa anumang kailangan, at sisiguraduhin namin na mabibigyan ng hustisya ang walang katuturang krimen na ito,” pahayag ni Go.
“Nananawagan ako sa ating otoridad na siguraduhing mabubulok sa kulungan ang taong ito at malinis dapat ang hanay ng kapulisan upang matanggal ang mga bulok sa sistema,” dagdag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.