P10,000 service incentives sa gov’t workers, aprubado na

Magandang balita sa mga kawani ng gobyerno.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, inaprubahan na kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order 37 na nagbibigay insentibo na tig-P10,000 sa bawat manggagawa sa gobyerno.

Sa ilalim ng AO, kasama sa mabibigyan ng insentibo ang mga manggagawa sa national government agencies, kasama na ang nasa state universities and colleges at government-owned or -controlled corporations (GOCCs).

Kasama rin sa insentibo ang mga manggagawa na regular, contractual, o casual positions.

Nakasaad din sa administrative order na makatatanggap ng P10,000 service incentives ang mga kagawad ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority.

Kinakailangan lamang na nakapagserbisyo na sa pamahalaan ng hindi bababa sa apat na buwan noong November 30.

Para sa apat na buwan pababa, makatatanggap sila ng service incentives base sa pro-rated share.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang administrative order noong December 18, 2020.

Read more...