Pulis-Parañaque na bumaril sa mag-ina sa Tarlac, walang aasahang proteksyon mula kay Pangulong Duterte
Walang aasahang proteksyon mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pulis-Parañaque na si si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca.
Ang pulis na viral sa video dahil sa pamamaril sa mag-inang Sonya Gregorio, 52-anyos, and Frank Anthony Gregorio, 25-anyos, sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala naman kasing kinalaman sa trabaho ang pagpatay ni Nuezca sa mag-ina.
“Hindi po ito service-related na double murder. Ito po’y isang away na di umano tungkol sa pag-posisyon sa lupa. Ang pulis pong iyan ay hindi pwedeng mag-invoke na kahit anong depensa na may kinalaman sa kanilang tungkulin ang pagpatay na iyan,” pahayag ni Roque.
Mariing kinokondena aniya ito ng Palasyo.
“Ito po’y tatratuhin na ordinaryong murder cases. Iimbestigahan, kakasuhan at lilitisin po natin ang pulis na iyan. No ifs, no buts. Magkakaroon po ng katarungan dahil kitang kita naman po natin ang ebidensya ng pangyayari. Hindi po iyan po-protektahan ng Presidente. Kinokondena po natin iyan,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na isang bugok lamang si Nuezca na sumisira sa hanay ng Philippine national Police.
“Isang bugok lang po iyang pulis na iyan. Hindi naman po lahat ng pulis ay gaya niya,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.