Sa panayam ng Radyo INQUIRER, sinabi ni P/Lt. Col. Noriel Rombaoa, acting Chief of Police ng Paniqui Municipal Police Station, sa kaniyang pakikipag-usap kay Nuezca, aminado ito sa kanyang nagawa at sising-sisi sa nangyari.
“Nakausap ko na po (si Nuezca) at aminado naman siya na nagawa niya ang pangyayaring iyon at sising-sisi po siya sa nagawa niyang iyon,” ayon kay Rombaoa.
Katwiran umano ni Nuezca nagdilim ang kaniyang paningin nang makasagutan ng biktimang si Sonya Gregorio ang anak niyang babae.
Si Sonya Gregorio, 52 at anak nitong si Anthony Gregorio, 25 ay nasawi matapos barilin ni Nuezca.
“According to him, sinabunutan daw ng matanda ang anak niya, pero wala kaming nakita doon (sa video), basta nagsagutan lang sila,” dagdag ni Rombaoa.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagpapaputok ng boga sa bahay ng pamilya Gregorio kaya rumesponde doon si Nuezca para sitahin ang pamilya.
Pero nauwi sa pagtatalo ang pagtungo doon ng pulis.
Ayon kay Rombaoa, natapos na nila ang pagkuha affidavit sa mga testigo sa krimen kasama na ang asawa ng biktimang si Anthony.
Sinabi pa ni Rombaoa na inihahanda na nila ang pagsasampa ng reklamo double murder laban sa suspek na pulis.
At dahil isa itong aktibong pulis sa Crime Laboratory Office ng Parañaque PNP, automatic ding magsasagawa ng imbestigasyon para sa administrative case laban dito ang PNP.