Bagyong #VickyPH, napanatili ang lakas; Storm signal, inalis na ilang lalawigan

Napanatili ang lakas ng Tropical Depression Vicky habang kumikilos patungong northern-central portion ng Palawan.

Sa severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 220 kilometer East Southeast ng Puerto Princesa City, Palawan bandang 10:00 ng umaga.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Bunsod nito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod:
– Northern at central portions ng Palawan (Araceli, Dumaran, Taytay, El Nido, San Vicente, Roxas, Puerto Princesa City, Aborlan, Narra, Quezon, Sofronio Espanola) kabilang ang Calamian
– Cuyo
– Cagayancillo
– Kalayaan Islands

Inalis naman ang storm signal sa ilang lalawigan.

Sinabi ng PAGASA na maaaring mag-landfall ang bagyo sa bisinidad ng northern o central portion ng Palawan, Sabado ng gabi.

Inaasahang mananatili bilang tropical depression ang bagyo habang binabagtas ang Philippine archipelago.

Ngunit, oras na umabot sa the West Philippine Sea, posible itong lumakas at maging isang tropical storm.

Ayon pa sa weather bureau, maaaring lumabas ng teritoryo ng bansa ang bagyo sa Linggo ng hapon o gabi, December 19.

Read more...