LPA sa loob ng PAR patuloy na nagdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Low-Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, ang LPA ay huling namataan sa layong 340 kilometers east southeast ng Davao City, alas-10:00 gabi ng Huwebes, December 17.

Bagamat nasa karagatan pa ang LPA ay nagdudulot na ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao at sa ilang bahagi ng Visayas region.

Ito ay dadaan sa bahagi ng kalupaan ng Mindanao araw ng Biyernes (December 18) at inaasahang kikilos sa northwestward direction. Posibleng maging ganap na bagyo ito pagkalabas sa bahagi ng Sulu Sea at ito ay papangalanang bagyong Vicky. Sakaling maging ganap na bagyo ay agad na magtataas ng tropical storm signal no. 1 sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Ang LPA ay kikilos naman sa west-southwestward direction palabas ng West Philippine Sea. Posibleng ito ay lumakas pa at maging isang tropical storm habang nasa gitna ng karagatan.

Samantala, patuloy naman na umiiral at nakakaapekto ang Northeast monsoon o Amihan sa bahagi ng Cagayan Valley.

Read more...