Kredibilidad ng testigo sa drug case ni Sen. Leila de Lima kinuwestiyon

Kinontra ni Engelberto Durano ang ilan sa kanyang mga naunang pahayag nang sumalang ito bilang testigo ng prosekusyon sa drug case na kinahaharap ni Senator Leila de Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 256.

Sinabi ni Atty. Rolly Peoro, abogado ng senadora, iba ang naging pahayag ni Durano nang tanungin na siya ng panig ng depensa kaugnay sa sinabi nitong pagde-deliver niya ng pera kay de Lima.

Unang sinabi ng dating pulis na si Durano na ang pera na inihatid niya kay de Lima noong December 2014 ay mula sa isang alias Jaguar, na isang drug lord, at galing sa mga drug transactions sa loob mismo ng Bilibid.

Ngunit nang tanungin ng kampo ni de Lima, inamin ni Durano na walang siyang nalalaman sa transaksyon ni Jaguar at aniya ang pera na inihatid niya kay de Lima ay hindi galing sa loob ng pambansang piitan.

Nabatid na ang alias Jaguar na sinabi ni Durano ay si Jeffrey Diaz na napatay sa isang shootout sa Las Pinas noong June 2016.

Iginiit din ni Durano na hindi siya sangkot sa ilegal na droga at aniya ang lahat ng nakakaalam ng kanyang mga pahayag ay patay na.

Samantala, hinihintay pa rin ang desisyon ng korte sa tatlong mosyon ni de Lima na payagan siyang makapag-piyansa sa katuwiran na walang matibay na ebidensiya at testimoniya sa mga isinampang kaso laban sa kanya.

 

 

 

Read more...