Ito ang naging babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taga-Toll Regulatory Board (TRB) kasunod ng problemang narasan sa RFID.
“Another fiasco, alis na kayong lahat,” ayon sa pangulo sa kaniyang pre recorded speech na umere Miyerkules (Dec. 17) ng gabi.
Ayon sa pangulo, kung hindi kaya ng TRB na ayusin ang trabaho at gawin ang mandato, mas mainam na magbitiw na lang sa pwesto ang mga opisyal na ito.
Huwag na aniya hintaying sibakin pa sila dahil mas masakit at nakakahiya.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi dapat pumayag ang TRB na ipagamit na o ipatupad na ang Radio Frequency Identification (RFID) payment scheme nang walang ginagawang trial run para matiyak na epektibo ito.
Sinabi rin ng pangulo na nauunawaan niya kung saan nanggagaling si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.
Kasabay nito inatasan ng pangulo ang TRB na agad i-report kay Transportation Sec. Arthur Tugade ang mga plano nito para resolbahin ang problema.