Batay kay Joey Recimilla, city tourism officer, nag umpisa ang forest fire ala-una ng hapon kahapon ng Sabado (March 26).
Nagsimula raw ang sunog sa isang campsite sa ituktok ng Mount Apo, partikular sa Davao del Sur province side.
Dahil dito, nasira ang nasa isang daang ektaryang grass lands at forest areas ng Mount Apo.
Agad naman inilikas ng Bureau of Fire Protection ang mga trekker na umakyat ng bundok noong Semana Santa.
Sinabi ni Recimilla na kapag hindi natupok ang apoy at kung lumakas ang hangin, maaaring umabot sa Lake Venado ang sunog hanggang sa Kidapawan-Magpet-Makilala eco triangle.
Bago pa ang naturang sunog, nauna nang pinayagan ng lokal na pamahalaan sa paligid ng Mount Apo ang nasa isang libong mountaineers lamang na makaakyat sa tinaguriang ‘highest peak’ dahil sa tagtuyot.
Nagkaroon din ng regulasyon sa mga umaakyat sa Mount Apo upang maiwasan ang forest at grass fires dahil sa drought.
Pinagbabawal din ang pagdadala ng mga paputok, pagsusunog ng debris at magkaroon ng campfires.