Nasabat ng Bureau of Customs – Port of Davao ang shipment ng agarwood na nagkakahalaga ng P1.72 milyon.
Nakuha ang itinuturing na pinakamahal na puno sa pamamagitan ng BOC – Davao office sa Davao International Airport at Environmental Protection and Compliance Division, katuwang ang BOC – Ninoy Aquino International Airport, PNP Aviation Security Group at DENR Region XI.
Kabilang ang nasabing uri ng kahoy saNational List of Threatened Philippine Plants base sa DENR Administrative Order No. 2007-01.
Lumabas sa datos na unang idineklara ang shipment bilang “wood frames for souvenirs.”
Ngunit sa x-ray scanning at physical examination, natagpuan na naglalaman ang kargamento ng 671 piraso ng Agarwood chips na ilegal na na-export dahil walang kaukulang permit mula sa DENR.
Dadaan ang nasabat na package sa seizure at forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Section 117 (Regulated Shipments), Section 1400 (Misdeclaration) at Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) ng Republic Act No. 10863 (CMTA) na may kinalaman sa Section 27 (i) [Illegal Transport] of Republic Act No. 9147 (Wild Life Act).
Itu-turnover din ito sa DENR.
Tiniyak naman ni Port of Davao District Collector Atty. Austria na patuloy silang makikipag-ugnayan para masigurong maprotektahan ang bansa laban sa illegal exports ng endangered trees.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.