Wala pang aksyon ang Department of Health (DoH) sa naitalang 98 confirmed covid cases sa House of Representatives gayundin sa naiulat na paglabag sa quarantine protocol ng matataas na opisyal nito sa pangunguna nina House Speaker Lord Allan Velasco at Deputy Speaker Mikee Romero.
Kinumpirma ni Quezon City Health Department-Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) Director Dr. Rolly Cruz na naisumite na nila sa DOH ang kanilang Event-Based Surveillance and Response (ESR) report patungkol sa ginawang late reporting ng Kamara sa mga confirmed COVID cases nito gayundin ang resulta ng kanilang isinagawang contact tracing.
Gayunpaman, ilang beses na tinangkang hingan ng panig ang DoH ukol sa kanilang aksyon sa clustering of COVID cases o biglaang pagtaas ng kaso sa Kamara ngunit pawang tumanggi itong magbigay ng kanilang komento.
Sa ilalim ng DoH guidelines mayroon nang clustering of cases kung sa isang workplace ay nagkaroon ng 2 kaso ng COVID sa Kamara ay nagkaroon ng 98 na positive cases na naiala mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 20 na naireport lamang sa health office noong Disyembre 1.
Una nang ipinanawagan ng mga kawani ng Kamara na ipasara na muna ang tanggapan dahil sa pagdami ng kaso ng covid ngunit tila nagkakaroon naman ng cover up dahil bigo ang DoH na aksyunan ito.
Inamin ni Cruz na ang pagrekomenda ng pagpapasara ng Kamara ay wala sa kanilang kamay dahil ang House of Representative, bilang isang separate institution ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng DoH at hindi ng local health office.
Samantala kinastigo ni dating Law Dean Atty. Rico Quicho ang hindi pagsunud sa quarantine protocol nina Velasco, Romero, House Secretary General Dong Mendoza at Diwa Partlist Rep. Mike Aglipay, ang apat ay direktang naexposed sa COVID positive na si Tesda Director Isidro Lapeña nang magkakasama ito sa isang dinner event subalit sa halip na magself-quarantine ay patuloy itong nakikitang pumapasok sa Kamara.
“Lawmakers should not be lawbreakers. Practice what they preach” pahayag ni Quicho na syang nagsampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Act laban kay Sen. Koko Pimentel dahil sa quarantine breach nang lumabas pa rin ito sa kabila ng pagiging COVID positive.
Ayon sa report, kasama ng mga House Leaders sa isang dinner sa Shangrila Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19 makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña subalit hindi nagquarantine ang mga House Leaders at noong Nobyembre 24 ay pinangunahan pa nina Velasco at Romero ang isang hearing at Nobyembre 25 ay tumanggap pa sila ng courtesy call mula kina Labor Secretary Silvestre Bello at PNP Chief Debold Sinas.
Bukod sa paglabag sa quarantine ay nilabag din ng mga House leaders ang guidelines ng DoH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering, maiban sa 5 House Leaders at si Lapeña ay kasama din sa dinner meeting sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Information Secretary Gregorio Honasan, Environment Secretary Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against COVID-19 Chief Carlito Galvez at Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista,.
Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act malinaw na itinatakda sa Rule VI na “whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern”
Ang hindi tatalima dito ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong ng 1 buwan, subalit kung ang offender ay isang public or private institution gaya ng Kamara, ang Chief o ang lider nito o si Speaker Velasco ang syang magiging liable, kung saan ang maaaring ipataw na parusa ay pagsibak sa tungkulin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.