Sen. Bong Go hinimok ang publiko na pakinabangan ang serbisyo ng Malasakit Centers sa buong bansa
Hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko na gamitin at pakinabangan ang serbisyo ng Malasakit Centers sa buong bansa lalo ngayong mayroong pandemya ng COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni Go na ang one-stop shops sa Malasaki Centers ay layong padaliin ang proseso para sa mga nangangailangan ng medical assistance mula sa mga ahensya ng pamahalaan.
“Batas na po ang Malasakit Center. Nasa loob na ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno—ang DOH (Department of Health), PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office), PhilHealth at DSWD (Department of Social Welfare and Development),” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na sa halip na pumila pa ng hiwa-hiwalay sa magkakaibang mga ahensya ng gobyerno, sa Malasakit Centers ay naroroon na ang mga karampatang ahensyang lalapitan ng mga nangangailangan ng medical assistance.
“Bakit papahirapan natin ang tao? Uulitin ko, ano ba ang Malasakit Center? Batas na po ‘yan para po ‘yan sa Filipino poor and indigent patients. Tutulungan po sila ng apat na ahensya ng gobyerno at ‘pag may balanse pa po ay meron pong—halimbawa sa PGH (Philippine General Hospital)—lapitan mo ang ahensya ng gobyerno, may pondong iniwan si Pangulong Duterte. Ang balanse mo babayaran pa ng pondong ‘yun. Ang target nito, zero balance billing,” dagdag ng senador.
Sa Malasakit Centers, ang mga pasyente o kanilang kaanak ay mas mabilis na matutulungan kapag nangailangan ng medical assistance.
Mayroon ding express lane para sa persons with disability at senior citizens sa mga Malasakit Center.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11463, o Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng DOH hospitals sa bansa at ang PGH sa Maynila ay kailangang mayroon nang Malasakit Centers.
Sa ngayon ayon kay Go, mayroon nang 94 na Malasakit Centers sa buong bansa.
Pinakabago ay ang binuksang Malasakit Center sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union noong December 4.
“Sa mga kababayan natin, mga mahihirap na pasyente, kakabukas lang natin ng Malasakit Center sa San Fernando, La Union. Pang-94 na po ‘yan,” dagdag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.