Brussels attacks, minadali ng mga suspek

(Belgian Federal Police via AP)
(Belgian Federal Police via AP)

Sa patuloy na imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na parang minadali ng mga suspek ang ginawang pag-atake sa paliparan at istasyon ng tren sa Brussels, Belgium na kumitil sa 31 na buhay at nakasugat sa mahigit 270 na iba pa.

Ayon kay chief prosecutor Frederic Van Leeuw, isang laptop ang nakuha sa basurahan sa kalsada sa labas ng huling tinirhan ng nasabing magkapatid na suicide bombers na sina Ibrahim at Khalid El Bakraoui.

Nilalaman ng naturang laptop ang isang mensaheng mula kay Ibrahim, kung san sinabi niya na hindi na niya malaman kung ano ang gagawin at nagmamadali na siya dahil pinaghahanap na siya ng mga tao sa paligid.

Dagdag pa ng suspek, kung susuko siya malamang ay makukulong siya kasama ni Salah Abdeslam na kamakailan lamang ay nahuli ng mga otoridad dahil sa pagiging utak ng Paris attacks.

Una na rin palang nakulong si Ibrahim noong June 2015 sa Turkey ayon kay President Recep Tayyip Erdogan at nagpa-deport na lang ito sa Netherlands. Binalaan ni Erdogan ang mga Dutch at Belgian authorities na isang “foreign terrorist fighter” si Ibrahim, ngunit pinakawalan rin pala ito ng mga Dutch dahil sa kakulangan ng ebidensyang nagpapatunay na sangkot ito sa extremism.

Bukod sa dalawang magkapatid, isa rin sa mga suspek si Najim Laachraoui na matagal nang pinaghahanap ng mga pulis dahil siya rin ang pinaghihinalaang gumawa ng mga bombang ginamit naman sa Paris attacks noong November 13.

Hindi pa naman natutukoy ng mga imbestigador at pulis ang ikaapat na suspek na sinasabing may dala ng pumalyang bomba sa paliparan, ngunit napag-alaman nilang iisang sangay lang ng Islamic State ang nasa likod ng Brussels at Paris attacks.

Samantala, ayon naman kay spokeswoman Anke Fransen, mananatiling sarado sa mga pasahero ang Brussels airport hanggang Biyernes, at hindi rin sila nakatitiyak kung makakapagpasakay na sila ng mga pasahero sakaling magbukas sila sa Sabado.

Gayunman, “as of now” aniya ay bubuksan naman na nila ang paliparan para sa mga cargo at private flights.

Read more...