Unang tranche ng dagdag sweldo at bonus, makukuha na ng mga pulis
Matatanggap na ng Philippine National Police (PNP) ang unang tranche ng kanilang karagdagang benefits package na binubuo ng buwanang Provisional Allowance for Military and Uniformed Personnel, mas mataas na hazard pay, at Officers’ allowance sa Abril.
Mistulang bonus para sa mga pulis na ngayo’y nagbabantay at umaalalay sa mga taong gumugunita sa Semana Santa ang anunsyo ni PNP comptroller chief Dir. Danilo Pelisco na nai-release na kahapon, March 23 ang kanilang increase differentials noong mga buwan ng January, February at March.
Ito ay alinsunod sa Executive Order 201 ni Pangulong Aquino noong February 19 na nag-aatas ng implementasyon ng Modified Salary Schedule para sa mga civilian personnel at additional benefits naman para sa mga militar at ibang uniformed personnel na ibibigay mula 2016 hanggang 2019.
Ang nasabing unang tranche ng monthly personal allowance para sa mga uniformed personnel ay nagkakahalaga ng mula sa P342 para sa mga Police Officers 1 hanggang P2,651 para sa mga Senior Police Officers 4, at P4,092 para sa mga police inspectors hanggang P9,708 para sa mga chief superintendents.
Madaragdagan rin ang kanilang hazard pay ng hanggang sa P390 mula sa kasalukuyang P240, na unti-unti pang tataas taun-taon at aabot ng P840 pagdating ng 2019.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.