Speaker Velasco at iba pang mambabatas dapat mauna sa paglalabas ng SALN

By Dona Dominguez-Cargullo December 11, 2020 - 12:05 PM

Photo credit: House of Representatives of the Philippines/Twitter

Dapat pangunahan mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco at ibang mambabatas ang pagsasapubliko ng kanilang mga Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) at gawing madali ang paghingi ng kopya nito ng publiko.

Ito ang reaksyon ni Institute for Political Reform (IPER) Executive Director Ramon Casiple sa harap na rin ng inihaing resolusyon nina Anakalusugan Partylist Rep Mike Defensor at Sagip Partylist Rep Rodante Marcoleta na humihiling na magkaroon ng House Inquiry in aid of legislation ukol sa kasalukuyang batas kaugnay sa paghahain ng SALN ng mga government officials and employees.

Ang resolusyong nina Defensor at Marcoleta ay nag-ugat sa naging pagbasura ng Korte Suprema sa mosyong nag-aatas kay Associate Justice Marvin Leonen na iprisinta ang kanyang SALN na sakop mula nang magturo ito bilang faculty member ng University of the Philippines (UP).

Dahil hindi nailabas ang SALN ni Leonen ay hiniling nina Defensor at Marcoleta na magkaroon ng House Inquiry ukol dito sa batayang karapatan ng bawat Filipino na malaman ang SALN ng mga public official.

Bwelta naman ni Casiple ang Kamara ang siyang dapat maging ehemplo sa pagsunod sa batas hinggil sa SALN.

“Sa SALN ang concept talaga dyan ay para answerable ang mga public official, kaya ang principle na sinusunod ay accessible dapat yung SALN na yan. Hindi na dapat pang pagdebatehan kung nararapat bang ilabas o maisapubliko ang SALN ng mga nasa gobyerno.Bakit ka nagkaroon in the first place ng ganung klaseng concept ng SALN kung hindi available?” paliwanag ni Casiple.

Kung mayroon din umanong dapat na maging bukas sa kanilang SALN, ito ay walang iba kundi ang limang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno kabilang na sina Pangulong Duterte, Vice President Leni Robredo, Senador Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Diosdado Peralta.

Ang paglalabas ng SALN ay isa sa pinakamalaking hamon sa mga elected at government official, bagamat obligado ang mga nasa gobyerno na magsumite kada taon ng SALN ay hindi naman nailalabas ito, sa Kamara halimbawa, ang record ng SALN ay guwardiyado pa ng CCTV.

Hindi rin ganun kadali ang paghingi ng kopya nito, sa ilalim ng House Resolution 2467, sinumang nagnanais na magka-access sa SALN ng mga mambabatas ay dapat may final approval ng House Plenary.

Kaya nangangahulugan na bago pa man pumayag ang isang kongresista na ibigay ang kanyang SALN ay kailangan na ideliberate muna ito ng Committee on SALN Review and Compliance at aalamin sa requesting party ang dahilan at kung saan gagamitin ang SALN.

Panunumpaan din ng requesting party ang sworn undertaking at declaration portion na nagsasaad na kung saan lamang maaaring gamitin ang SALN sakaling pumayag ang komite na magbigay ng kopya.

Nabatid na mula 2019 mula nang mabalangkas ang bagong rules sa pagkuha ng SALN ay wala pang aplikasyon o nagrerequest ng SALN ng mga mambabatas.

Isa ang isyu ng SALN sa ipinipukol din kay House Speaker Lord Allan Velasco, una nang naiulat na si Velasco ay mayroong shares sa San Miguel Corporation base sa company report noong 2017 kung saan lumabas pa na kabilang siya sa Top 100 Stockholders at mayroon din na 2 % shares sa Petron Corporation base sa 2017 annual report ng kumpanya subalit ang mha ito ay hindi deklarado sa kanyang SALN.

 

 

TAGS: Breaking News in the Philippines, House Speaker Velasco, Inquirer News, mon casiple, Philippine News, Radyo Inquirer, SALN, Tagalog breaking news, tagalog news website, Breaking News in the Philippines, House Speaker Velasco, Inquirer News, mon casiple, Philippine News, Radyo Inquirer, SALN, Tagalog breaking news, tagalog news website

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.