Sa kaniyang Lenten message para sa paggunita sa mga Mahal na Araw, hinimok ng Pangulo ang mga Pilipino na mas magkaisa sa pagdarasal at pagmamahalan.
Kasabay nito ay pahapyaw niyang binanggit ang mga napagtagumpayan na ng kaniyang administrasyon sa pagsusulong ng reporma sa mabuting pamamahala.
Aniya, ipinapanalangin niya na lalo pang paigtingin ng mga mamamayan ang pagmamahal sa kapwa at laging pumanig sa tama at makatwiran.
“Sa ating pagkakaisa at pagsunod sa ehemplo ni Hesukristo, makakamit natin ang lahat ng ating minimithi,” ani Pangulong Aquino.
“Samakatuwid, pag-ibig ang dumaing sa mga hamong hinarap ng sanlibutan. Maaalala natin sa hardin sa Gethsemane, alam ni Hesus ang lahat ng kanyang haharapin. Alam niyang pagtataksilan siya ng isa niyang kasamahan. Alam niyang dadaan siya sa hagupit ng latigo, sa hapdi ng koronang tinik at sa sakit ng mga pako sa kamay at paa,” dagdag pa ni Pangulo.
Ayon pa kay Pangulo, walang hihigit sa ehemplo ng sakripisyo at pagmamahal kundi ang buhay ni Hesukristo.
Hamon pa niya sa mga Pilipino, kung ang Panginoon ay handang ibigay ang sarili sa karaniwang tao, dapat mas handa tayong kumilos para sa kapakanan ng ating kapwa./