Ang LPA ay nasa bahagi na ng West Philippine Sea na huling namataan sa layong 250 kilometers West ng Subic, Zambales.
Sa weather forecast ngayong araw (Dec. 11) ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley ay makararanas lamang ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na mayroong isolated na pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon o Amihan.
Sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng bansa, makararanas lang ng isolated na pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw ay wala namang bagyo na makaaapekto sa bansa.
Wala ding nakataas na gale warning saanmang baybaying dagat ng bansa kaya malayang pumalaot maging ang maliliit na sasakyang pandagat.