Patuloy na binabantayan ang low pressure area (LPA) sa loob ng teritoryo ng bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, tumawid ang LPA sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Bicol region, Northern part ng MIMAROPA at CALABARZON.
Huling namataan ang LPA sa layong 205 kilometers West Northwest ng Calapan City dakong 3:00 ng hapon.
Nagdadala aniya ang LPA ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Central at Southern Luzon kabilang ang Metro Manila.
Sinabi nito na posibleng malusaw ang LPA sa araw ng Biyernes, December 11, habang binabagtas ang West Philippine Sea.
Bukod dito, umiiral din ang Northeast Monsoon o Amihan.
Ani Estareja, hindi ito malakas ngunit nakakaapekto ito sa Northern Luzon.
Wala namang inaasahang mabubuo o papasok na sama ng panahon sa bansa hanggang sa matapos ang weekend.