Tollroad operators, dapat payagang umangkat ng COVID-19 vaccines para sa toll collectors
Suportado ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang panawagan na ipagpaliban ng tatlong buwan ang implementasyon ng cashless at contactless toll fee collection system.
Mungkahi nito, sa loob ng tatlong buwan ay dapat payagan naman ng gobyerno ang dalawang kumpanyang nagpapatakbo sa expressways, na umangkat ng COVID-19 vaccines para sa kanilang toll collectors at iba pang frontline personnel.
Paliwanag ni Defensor, kaya minadali ang RFID scheme ay para maiwasang maikalat ang virus sa mga motorista sakaling mayroong infected sa toll collectors.
Pero kung papayagan aniya ang tollway operators na makapag-import ng bakuna sa lalong madaling panahon ay hindi na kailangang apurahin ang implementasyon ng RFID system.
Naniniwala ang kongresista na mayroong koneksyon sa ibang bansa ang mga kumpanyang ito na maaari nilang magamit para makakuha ng bakuna.
Sa ganitong paraan, hindi lang mapoprotektahan ng toll operators ang kanilang mga tauhan kundi magkakaroon din sila ng sapat na panahon para ayusin ang mga problema sa RFID.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.