Makabayan Solon tiwalang hindi sila paiimbestigahan ni Velasco

December 10, 2020 - 09:30 AM

Kumpiyansa si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi makikinig at hindi bibigay sa pressure si House Speaker Lord Allan Velasco mula sa mga anti-communist group na nanawagan na imbestigahan ng House of Representatives ang Makabayan Bloc hinggil sa kaugnayan nito sa Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA).

Ayon kay Gaite tiwala silang manatili ang “good judgement” ni Velasco sa isyu ng red tagging laban sa anim na miyembro ng Makabayan Bloc na mula sa Gabriela Partylist, Kabataan Partylist, Act Teachers Partylist at Bayan Muna.

Aniya, sa isinagawang Senate hearing sa isyu ng red tagging ay nabigo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict(NTF-ELCAC) na magharap ng ebidensyang magpapatunay na kaalyado sila ng CPP-NPA kaya naman kahit magsawa ng House Inquiry ay ganito din ang kahihinatnan.

“Clearly there is pressure on the House to join the communist witch hunt of the NTF-ELCAC, but we believe Speaker Velasco will remain judicious and will not allow the House to be used as venue for peddling baseless accusations against its members,” paliwanag ni Gaite.

Giniit ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na walang batayan ang panawagang House Inquiry dahil pawang gawa gawa lamang ang alegasyon laban sa kanila ng NTF-ELCAC na ang tunay na pakay ay matanggal sila bilang miyembro ng Kongreso.

Sa kabilang banda, nanindigan si League of Parents of the Philippines(LPP) Chair Remy Rosadio na hindi dapat sa mga kapwa mambabatas nakikinig si Velasco kundi sa boses ng nakararami, anya, hanggang nanatili sa Kamara ang Makabayan Bloc ay patuloy na mas maraming kabataan ang marerecruit na sumanib sa NPA.

Binatikos din ni Hands Off Our Children Founder Gemma Labsan ang kawalang aksyon ng Kamara sa kanilang panawagan na magkaroon ng isang House Inquiry, aniya, kanilang hiniling sa Senado na imbestigahan ang red-tagging na agad na inaksyunan kaya nakapagtatakag hindi ito kayang gawin ng Mababang Kapulungan gayong sila ang may hurisdiksyon sa Makabayan Bloc.

Naniniwala si Labsan na malaki ang magagawa ng isang House Inquiry para malaman ang katotohanan sa ginagawang recruitment ng MAkabayan Bloc sa mga kabataan para sumali sa communist group.

Sinabi ni Labsan na kabila ng ipinapakitang bias ni Velasco ay hindi pa rin sila titigil sa pagkalampag dito hanggang sa umaksyon at gampanan ang kanyang tungkulin sa bayan at iutos ang isang imbestigasyon laban sa mga progressive solons.

Samantala aminado naman ang ilang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan na malabong mangyaring magkaroon ng imbestigasyon ang Kamara laban sa sarili nitong miyembro, bukod sa hindi pa umano ito nangyayari ay tali din ang kamay ni Speaker Velasco dahil minsan na nyang naipagtanggol ang Makabayan Bloc sa isyu ng red tagging at pawang kaalyado din nya ang mga ito sa Kamara.

Excerpt: Ayon kay Rep. Gaite tiwala silang manatili ang “good judgement” ni Velasco sa isyu ng red tagging laban sa anim na miyembro ng Makabayan Bloc na mula sa Gabriela Partylist, Kabataan Partylist, Act Teachers Partylist at Bayan Muna.

 

 

 

 

TAGS: Ferdinand Gaite, House of Representatives, Makabayan bloc, Ferdinand Gaite, House of Representatives, Makabayan bloc

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.