‘Diwata’, lilipad na sa kalawakan ngayong araw

 

Ipapadala na ng Pilipinas ang ikatlo nitong satellite sa kalawakan ngayong araw.

Ang Diwata, na may opisyal na pangalang Philippine Scientific Earth Observation (Phil-Microsat), at ang unang gawang Pinoy at codeveloped microsatellite, ay ilulunsad sa space mula sa Cape Canaveral Air Force Station sa Florida, alas-10:00 ng umaga ngayong araw.

Ayon kay Science Sec. Mario Montejo, ang Diwata ay bahagi ng 3,357 kilo ng science and reasearch, crew supplies at vehicle hardware na dadalhin ng Orbital ATK’s Cygnus spacecraft sa International Space Station (ISS).

Ito ay bahagi ng ikalimang resupply mission ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Ayon naman sa NASA, inaasahang sa Sabado makakarating sa ISS ang Diwata.

Ani pa Montejo, ang pagpapadala natin ng microsatellite sa kalawakan ay magpapatibay ng paniniwala na ang ating mga Filipino scientists ay may laban at kayang makipagsabayan sa mga dayuhang eksperto.

Unang nagkaroon ng satellite ang Pilipinas sa kalawakan noong 1996 na tinawag na Agila 1. Ito ay binili mula sa Indonesia na naglunsad nito noon pang 1991.

Ang ikalawa naman ay ang Agila 2 na ginagamit rin para sa komunikasyon na pribado ring binili at inilunsad mula sa Sichuan China noong 1997.

Gamit ang nasabing microsatellite na kasing laki ng balikbayan box, magkakaroon ng mas mabisang data ang pamahalaan tungkol sa weather systems na makatutulong sa mga pagsasaka para mabago nila ang kanilang paraan sa pagtatanim.

Read more...