Clarkson at Young ng Lakers, inakusahan ng harassment

 

Iniimbestigahan na ng Los Angeles Lakers ang akusasyon ng sexual harassment laban sa kanilang manlalaro na sina Nick Young at Jordan Clarkson.

Ayon kay Lakers spokesman John Black, siniseryoso ng kanilang koponan ang mga ganitong isyu laban sa kanilang mga kasapi.

Ang nagreklamo ay si Alexis Jones na isang aktibistang nagsusulong ng pag-laban sa sexual harassment at abuse ng mga atleta at manlalaro sa mga kababaihan.

Ayon kay Jones, kasama niya ang kaniyang ina sa sasakyan nang tumigil sila sa intersection nang isang Jeep ang tumabi sa kanila na may sakay na apat na kalalakihan.

Doon na aniya nagsimulang magpakita ng “vulgar and sexual gestures” ang mga lalaking ito sa kaniyang ina habang nakadungaw sa kanilang bintana.

Nagulat at kalauna’y naiyak ang kaniyang ina dahil dito.

Kinuhanan ni Jones ng litrato ang mga kalalakihan sa Instagram at doon kinilala ng mga nag-komento na sina Young at Clarkson ang mga ito.

Nagkataon pa aniya na mayroon siyang inilunsad na programa na “ProtectHer” na naglalayong agad na pag-tuunan ng pansin ang mga kababaihang inaabuso ng mga atleta.

Bukod pa doon ay kakatapos lang niyang makipag-usap sa NBA sa kung paano maipaparating ang programa at mensahe niya sa mga koponan.

Sinabi naman ni Jones na nakatanggap siya ng tawag mula kay Black na humingi ng tawad sa ngalan ng Lakers, at nag-alok pa ng pagkakataon na makausap niya ang team.

Read more...