Palpak na training programs ng TESDA, pina-iimbestigahan sa Kamara
Hiniling ng 17 kongresista na masilip ng Kamara ang umano’y depektibo at mahinang training programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Kasunod ito ng ulat ng Commission on Audit na anim na porsiyento lamang o anim sa kada 100 TESDA graduates ang natatanggap sa trabaho.
Sa inihaing House Resolution 1394, pinaiimbestigahan ng mga kongresista ang anila’y kabiguan ng TESDA na epektibong gampanan ang mandato nito sa ilalim ng batas sa kabila ng dagdag na pondo kada taon.
Sa COA report, sinita ang TESDA sa mahinang performance ng Special Training for Employment Program (STEP) nito, na para sana matulungan ang mahihirap na Pilipino na magka-trabaho.
Partikular na pinuna ng COA na noong 2019, mula sa mahigit 75,000 graduates sa ilalim ng STEP, 5.64 percent lamang o 2,451 ang nagka-trabaho na malayo sa target ng ahensya na 65 percent employment rate.
Ang STEP ay pinaglaanan ng mahigit dalawang bilyong pisong budget noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga naghain ng resolusyon sina Makati Rep. Luis Campos Jr., Iloilo City Rep. Julienne Baronda, Marikina Rep. Stella Quimbo, Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Minority Leader Joseph Stephen Paduano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.