Hinamon ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang pamunuan ng NLEX Corporation na dalhin sa korte ang usapin ng pagsuspinde nila sa business permit nito.
Ayon kay Gatchalian, handa ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City sa anumang kaso na maaring isampa ng pamunuan ng NLEX Corporation at welcome ito sa kanila.
Sabi ni Gatchalian, sa isang media interview ngayong umaga inihayag ng kinatawan ng NLEX Corporation na kumununsulta na ang mga ito sa pamahlaang nasyunal at sinabi na sana ay wag humantong ito sa paghingi nila ng temporary restraining order sa korte.
Para sa alkalde, isa itong pagbabanta sa kanila ng operator ng NLEX.
Kaugnay nito, kinansela na ng Valenzuela ng dapat sana ay pulong bukas ng umaga sa mga kinatawan ng NLEX Corporation.
Paliwanag ni Gatchalian, kung may plano ang toll operator na magpasaklolo sa korte hindina nila kailangan pa ng dayalogo at sa husgado na lamang mag-usap.
Naniniwala din ito na legal ang kanilang ginawa at mananalo sila sa hukuman.
Trabaho anya nila na ipaglaban ang kanilang mga kababayan na pinapahirapan tuwing dumadaan sa NLEX.