Higit P13-M pondo para sa allowance ng solo parents at PWDs sa Maynila, aprubado na

MANILA PIO photo

May maagang pamasko si Manila Mayor Isko Moreno sa mga solo parent at Person with Disabilities o PWDs sa Lungsod ng Maynila.

Ito ay dahil sa inaprubahan na ni Mayor Isko Moreno ang P13,396,000 na pondo para sa kanilang allowance.

Nasa 1,379 PWDs ang makatatanggap ng P5,000 bilang bahagi ng kanilang naipon na P500 allowance mula Enero hanggang Oktubre.

P500 naman ang matatanggap ng 6,451 PWDs na nakuha na ng allowance mula Enero hanggang Oktubre.

Para naman sa 895 solo parents, P4,000 ang matatanggap nilang allowance at P500 naman ang makukuha ng 3,866 na indibidwal mula sa kanilang sektor para sa buwan ng Nobyembre.

Ang pamamahagi ng allowance sa PWDs at solo parents ay ipinatupad ni Mayor Isko mula nang siya’y maupo bilang alkalde ng Maynila upang makatulong sa kanilang mga gastusin kada buwan.

Ayon sa alklade, patuloy na isinaayos ng Pamahalaang Lungsod ang opisyal na listahan ng PWDs at solo parents matapos mapag-alaman na may ilang mga indibidwal na nagpasa ng pekeng mga ID.

Aniya, kailangan na mapangangasiwaan nang maigi ang pamamahagi ng naturang allowance dahil ang pondo ay mula sa mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila.

Samantala, tuluy-tuloy rin ang lokal ng pamahalaan ng Maynila sa pamamahagi ng cash allowance sa mga senior citizen at mga estudyante mula sa Universidad de Manila at Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Ito’y upang mabigyan ng tulong ang senior citizens na nangangailangan ng mga gamot at pagkain at ang mga mag-aaral na may mga karagdagang gastusin sa pag-aaral sa panahon ng pandemya.

Bukod naman sa mga cash allowance, nakatakda rin magbigay ng Christmas food packages ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa lahat ng mga pamilyang Manileño sa darating na Kapaskuhan.

Read more...