P10-M na alok ng Philrem, tinanggihan ng Bangladesh
Tumanggi ang pamahalaan ng Bangladesh na tanggapin ang alok ng Philrem Services Corp. na isauli ang kanilang kinita sa transaksyon ng ninakaw na $81 million mula sa central bank ng nasabing bansa.
Sa pinakahuling pagdinig sa Senado tungkol sa $81 million money laundering scheme na umano’y idinaan sa Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC), nag-alok ang presidente ng Philrem na si Salud Bautista na ibabalik nila ang P10,474,654 na kinita nila sa nasabing transaksyon.
Inalok ito ni Bautista kay Bangladeshi Ambassador to Manila John Gomes, at sinabing oras na malaman niya kung kanino dapat ipangalan ang cheke, ay ihahanda na nila ito agad.
Ginawa ito ng Philrem bilang paghingi ng tawad sa Bangladesh sa hindi sinasadyang pagkakasangkot ng kanilang kumpanya sa nakawan ng pondo.
Ngunit, ayon kay Sen. Serge Osmeña na chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, tumanggi ang pamahalaan ng Bangladesh na tanggapin ang mahigit P10 milyon mula sa Philrem.
Ani Osmeña, mas interesado ang nasabing bansa na mabawi ang $81 million na ninakaw sa kanilang central bank ng mga hackers.
Aminado naman ang senador na mahirap ma-trace at mabawi ang pondong ito.
Hindi rin sila aniya sigurado kung talagang may kinalaman ang Philrem sa nasabing money laundering scheme.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.