Kalahating milyong pasahero, naitala na sa pantalan sa Metro Manila

manila harbor port
Mula sa www.mnhport.com.ph

Umabot na sa mahigit kalahating milyong pasahero ang dumagsa sa mga pantalan patungo sa mga lalawigan mula sa Metro Manila simula noong Biyernes.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Armand Balilo, may kabuuang 522,864 na pasahero na ang umalis sa Metro Manila base sa kanilang talaan.

Naka-alerto na ang PCG dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pantalan sa buong bansa, na inaasahang mas dadami pagdating ng Miyerkules, bago ang nakatakdang holiday sa Huwebes at Biyernes Santo.

Nag-inspeksyon na rin ang PCG sa pangunguna ni commandant Rear Admiral William Melad kahapon para personal na tiyakin ang paghahanda ng kaniyang mga tauhan na salubungin ang mga pasahero na bahagi ng kanilang oplan “Ligtas Kwaresma 2016.”

Una nang nagbabala si Melad sa mga biyahero na iwasang sumakay sa mga kolorum na sasakyang pandagat, dahil bukod sa walang mga safety features ang mga ito tulad ng mga life vests, wala rin silang insurance para sa mga pasahero.

Aniya, kolorum ang mga ito dahil hindi sila nakapasa sa mga panuntunan ng otoridad para makapaglayag ng may sakay na mga pasahero.

Read more...