Babala ng isang health group sa Kamara: COVID-19 vaccine huwag gamitin in aid of reelection

December 04, 2020 - 03:12 PM

Binalaan ng isang medical group si House Speaker Lord Allan Velasco na huwag gamitin ang COVID-19 vaccine para bumango ang pangalan.

Ang pahayag ay ginawa ng grupong Medical Action Group matapos na rin sabihin ni House Secretary General Dong Mendoza na prayoridad ni Velasco na mapabakunahan ang may 8,000 miyembro at kawani ng Mababang Kapulungan sa oras na maging available na ang COVID-19 vaccine kung saan inamin pa nitong nakikipag-ugnayan na sila kay Vaccination Czar Charlie Galvez hinggil sa nasabing bagay.

Ayon kay Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana nakakatakot ang ganitong mga pahayag dahil maaari talagang mangyari ang disenfranchisement sa oras na dumating na sa bansa ang COVID-19 vaccines, tiyak umano na mauuna sa bakuna ang mga congressman at kanilang mga staff lalo at sila ang may hawak ng budget.

“Baka naman ito ay maging in aid of reelection to some people. May magandang plano sa distribution ng vaccine, ang issue rito is if it will not really be hijacked. May mga mangyayaring deviation. Pero papaano kaya natin maga-guarantee na iyong ating plinano na those supposed to be given priority will really get that material or that vaccination”pahayag ni Fajutagana.

Umapela ang grupo kay Galvez na tiyakin ang transparency sa pamamahagi ng COVID-19 at hindi iayon ito sa kagustuhan ng mga mambabatas.

“limited pa lang ang availability ng vaccine, kaya mauna dapat yung vulnerable sector. The
civil societies and NGOs should really monitor the distribution to ensure transparency.Ayaw natin sanang mangyari, disenfranchisement. Ang problema dito kung na-disenfranchise ka because some people used their power of the purse, parang yung Congress nga eh, because they control the budget eh”paliwanag pa nito.

Aminado ang grupo na pabor sila sa planong distribution ng bakuna ng Department of Health (DoH) ngunit ang malaking isyu ay kung paano ito mapoprotektahan.

“Ang ano na lang namin dito ay how do we safeguard that plan, and how do we make sure that selection, the implementation of those who were selected really, identified as vulnerable were really be receiving such services as planned, without political pressure coming from those who are controlling the purse” dagdag pa nito.

Nagbabala din ang grupo laban sa paggamit ng mga mambabatas sa bakuna para bumango ang kanilang pangalan para sa 2022 election.

“Ang fear talaga itong bakuna being used as an election event. Baka may bakuna dyan may pangalan pa kung sinong magbibigay niyan eh,” giit pa ni Fajutagana.

Ang pangako ni Velasco na uunahin ang mga mambabatas at empleyado na makatanggap ng Covid vaccine ay sa harap na rin ng paglobo ng COVID cases sa Kamara na umabot sa 98 kaso nito lamang buwan ng Nobyembre.

Sinita ng QC Health department- Epidemiology and Surveilance Unit ang Kamara sa late reporting ng kanilang COVID cases kaya nagkaroon ng pagdami ng kaso dahil sa kawalan ng contact tracing.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.