Nakapagtala ng 3.3% na inflation rate o pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo para sa nakalipas na buwan ng Nobyembre.
Ayon kay National Statistician Usec. Dennis Mapa, pinakamataas ito simula noong April 2019.
Mas mataas ang inflation noong buwan Nobyembre kumpara sa 2.5% noong Oktubre.
Ang pangunahing dahilan ng pag-angat ng inflation sa buwan ng Nobyembre 2020 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.
Ang Food and Non-Alcoholic Beverages aniya ay may inflation na 4.3 percent at 51.7 percent share sa pangkalahatang inflation.
Tumaas ang presyo ng gulay, gaya ng sibuyas at kamatis sa antas na 14.6 percent, mula sa -0.5 percent inflation noong Oktubre 2020.
Habang ang presyo ng isda, gaya ng galunggong ay tumaas din sa 5.3 percent, mula sa 3.7 percent inflation noong Oktubre 2020.
Sinabi ni Mapa na ang year-to-date average inflation para sa taong 2020 ay bahagyang umangat sa antas na 2.6 percent.
Sa National Capital Region, ang inflation sa buwan ng Nobyembre 2020 ay tumaas sa 3.5 percent mula sa 2.5 percent inflation noong Oktubre 2020.