Remulla umamin sa pagkakamali, edad ng papayagang mag-mall sa Cavite binago

Binago ni Cavite Gov. Jonvic Remulla ang patakaran sa lalawigan hinggil sa edad ng mga papayagang magpunta sa mall.

Humingi ng paumanhin ang gobernador at sinabing siya ay nagkamali sa mabilis na pag-aanunsyo ng bagong mall policy noong December 2 at 3.

Paliwanag ni Remulla nang mabasa niya sa pahayagan na pumayag na ang IATF na papasukin sa mall ang mga menor de edad ay agad siyang bumuo ng patakaran.

Pero muli aniyang nabago ang direksyon at naglabas ng paglilinaw si DILG Sec. Eduardo Año.

“I was wrong to be too enthusiastic in the resumption of personal freedom for the people of Cavite. I take full responsibility and I apologize” pahayag ng gobernador sa kaniyang Facebook post.

Ayon kay Remulla, ang nais lang naman niya ay mapagbigyan ang mga kabataan “na matagal nang naka-bartolina sa bahay”.

Gusto sana niyang makaramdam man lang sila kaunting saya at makapasyal ngayong kapaskuhan kasama ang buong pamilya.

Epektibo ngayong araw, December 4 sinabi ni Remulla na tanging mga edad 15 hanggang 65 lamang ang papayagang makapasok sa mall.

Taliwas ito sa naunang guidelines na inilabas ng gobernador na pwede na ang mga edad 10 pataas.

 

 

 

Read more...