Palasyo, tiniyak na babayaran ng PhilHealth ang utang sa Red Cross
Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na babayaran ng PhilHealth ang bagong utang na P600 milyon sa Philippine Red Cross.
Ito ay para sa COVID-19 swab test na ginagawa ng pamahalaan sa mga umuuwing overseas Filipino worker.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi dapat na mag-alala ang Red Cross dahil hindi naman sila tatakbuhan ng PhilHealth.
Napatunayan na aniya ito nang lumubo sa P1 bilyon ang utang ng PhilHealth sa Red across na agad din namang nabayaran matapos ang ginawang pag-aaral.
Kailangan lang kasi aniyang i-verify muna ang payment scheme bago bayaran ang utang na P600 milyon.
“Magbabayad po ang national government. Napatunayan naman po ng national government na hindi po tumatalikod sa obligasyon ang national government; kinakailangan lang pong i-verify. At kinakailangan po iyan sang-ayon pa rin doon sa three-tiered payment scheme ng PhilHealth,” pahayag ni Roque.
Una nang sinabi ng Red Cross na hirap na ang kanilang operasyon dahil hindi pa nagbabayad ang PhilHealth.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.