Access sa COVID-19 vaccines, pinatitiyak ni Sen. Go
Pinuri ni Senator Christopher Go ang pagpapalabas ng Malakanyang ng executive order na nagbibigay ng kapangyarihan sa Food and Drug Administration (FDA) na magpalabas ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa mga gamot at bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Go, ang ginawang hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magpapabilis ng proseso at malaking tulong din ito na maisaayos na ng kinauukukang ahensiya ang plano sakaling magkaroon na ng mga gamot o bakuna laban sa nakakamatay na sakit.
“Napaka-importante po na mabilisan ang proseso upang makabangon muli ang bansa at makabalik na sa normal na pamumuhay ang ating mga kababayan,” sabi ng senador.
Ngunit ipinagdiinan ni Go na napakahalaga pa ng masusing pag-aaral sa pagiging epektibo ng mga gamot at bakuna para garantisado ang kaligtasan ng mamamayan.
Dagdag pa niya, dapat ay maging abot-kaya para sa lahat ang bakuna.
“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino na kailangan na makabalik sa normal na pamumuhay upang maibangon mula sa kahirapan ang kanilang pamilya,” sabi pa ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.