P78B smuggled cash nakapasok sa bansa noong 2019 – Rep. Salceda
Umaabot sa mahigit P78 billion halaga ng pera ang iligal na nakapasok sa bansa noong nakalipas na taon.
Ito ang iginiit ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa pagdinig ng komite sa House Bill 6516 kaugnay sa mahigpit na pagpapataw ng parusa sa hindi awtorisadong pagpasok ng foreign currency sa Pilipinas.
Sabi ni Salceda, sa nasabing halaga P28.6B ang smuggled cash na nakalusot sa bansa mula sa apat na sindikato noong 2019.
Mayroon pa rin anya na nasa P50.1B cash ang naipuslit sa bansa noong nakaraang taon na hindi pa rin nakikita hanggang ngayon.
Sa pagdinig naman ng komite, iginiit ni Salceda na kailangan na ng agarang reporma laban sa bulk-cash smuggling dahil ikinukunsidera ng intergovernmental watchdog na Financial Action Task Force (FATF) na “red flag” ang iligal na pagpasok at paglalabas ng bultu-bultong halaga ng pera sa bansa.
Ang bulk-cash smuggling anya ay isang potential source ng terrorist financing at sinasamantala rin ng mga syndicated crime groups.
Bukod dito, malaki rin ang implikasyon ng pagpapalusot ng malalaking halaga ng pera o cash sa bansa partikular na sa remittances ng mga OFWs, sitwasyon ng mga financial institutions, at pagbagsak ng GDP ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, obligado ang konserandong indibidwal na i-report agad ang one-time inbound o outbound transport ng cash na aabot sa P500,000.
Ang sinumang indibidwal, opisyal o otoridad na sangkot o nakipagsabwatan para magpuslit ng napakalaking pera sa bansa ay mahaharap sa kasong criminal na may karampatang mabigat na parusa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.