Nagpositibo sa COVID-19 ang ilang empleyado ng isang business process outsourcing (BPO) company sa Subic.
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma, batay sa huling datos, 25 empleyado sa 65 empleyado na isinailalim sa quarantine ang tinamaan ng nakakahawang sakit.
“Our health experts here have determined that were it not for parties that workers attended, all these hassles of quarantine and work stoppage would not have happened,” pahayag ni Eisma.
Sinabi naman ni Dr. Solomon Jacalne, pinuno ng SBMA Public Health & Safety Department, na-trace na dalawang party ang dinaluhan ng ilang empleyado noong November 14.
Una aniya ay beach party sa Baloy, isang sikat na beach area sa Olongapo City, at ikalawa naman ay pool party sa San Marcelino, Zambales.
Ani Jacalne, lumabas sa contact tracing na ang mga nagpositibong empleyado ay dumalo sa dalawang party o nagkaroon ng exposure sa katrabaho na sumama sa party.
“Some were not honest with their health declaration… They didn’t say they were sick and they reported for work just the same because of the company’s no-work-no-pay policy,” dagdag pa nito.
Una aniyang naitala ang kaso noong November 6, ngunit ang dalawang nakilalang close contact nito ay nagnegatibo.
November 17 naman aniya nang malaman ang sumunod na dalawang positive cases na idineklara bilang close contacts lamang ng mga nakasama nila sa shuttle bus.
“Then there came to be a sudden spike in the following days, from Nov. 19 to 25. And this was the only time when the employees admitted about the beach and pool parties—when there were already 16 positive cases,” pahayag ni Jacalne.
Sinabi naman nito na wala nang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa naturang kumpanya sa nakalipas na pitong araw.
Lahat din aniya ng suspect cases ay nakasailalim sa quarantine sa Zambales, Olongapo City at Bataan habang hinihintay ang schedule ng kanilang RT-PCR test.
Kasunod nito, ipinag-utos ni Eisma ang pagsasagawa ng mas masusing imbestigasyon upang madetermina kung ano ang kailangang ipatupad na karagdagang safety measures.
Hinikayat din ni Eisma ang mga kumpanya sa Subic Freeport na ipagpaliban muna ang Christmas party para maiwasan ang pagkakaroon ng virus transmission.
“Let us stay safe. We can make Christmas more meaningful, more special and more rewarding by celebrating it with our family and household members this year,” pahayag nito.