Mas mataas pang kaso ng COVID-19 pinangangambahan sa Kamara

December 02, 2020 - 08:41 AM

Nangangamba sa kanilang kalusugan ang mga kawani ng House of Representatives kaya umaapela ito sa Department of Health (DoH) na pansamantalang isara ang tanggapan habang nagsasagawa ng paglilinis at contact tracing matapos na rin magkaroon ng 98 confirmed cases mula noong Nobyembre 10.

Kamakalawa lamang kinumpirma ni House Secretary General Dong Mendoza na mayroong 98 confirmed cases sa Kamara.

Mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 30 ay walang ginagawang contact tracing kaya malaki ang tiyansang nagkaroon pa ng hawahan.

Nobyembre 4 ay nag-resume ang sesyon ng Kamara matapos ang kanilang break at sa loob ng mahigit dalawang Linggo naitala ang 98 confirmed cases.

Ayon sa ilang kawani sa Kamara, hindi malayong mangyari na nakuha ang virus sa loob mismo ng House of Representatives dahil nauna dito ay mayroong 40 reported cases sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na sinasabing nakuha nila ang virus sa kanilang workplace

Anila, taliwas ito sa paliwanag ni Mendoza na sa labas ng komunidad at hindi sa loob ng Kamara nakuha ng mga empleyado ang virus.

“We are appealing to House Speaker Velasco, hindi biro ang 93 cases mula March hanggang October at 98 cases pa sa buwan lang ng Nobyembre, baka kailangan munang isara at magkaroon ng disinfection, hinihingi din namin ang transparency ng House Leadership, bakit ngayon lang kayo nagrerepeport ang laki na ng cases” paliwanag pa nito.

Aminado ang mga empleyado na kapansin-pansin ang pagrelax ng Kamara sa COVID monitoring kaya biglang lobo ang kaso.

Ang apela ng mga empleyado na isara ang Batasan Complex sa harap na rin ng pagmamatigas ni Mendoza na walang outbreak ng COVID kaya hindi ikinokonsidera ang pagpapasara nito.

Binira ng mga kawani ang late reporting ng Kamara sa mga confirmed cases sa CESU, anila, hindi sana nagdudulot ngayon ng takot kung regular ang reporting at nagkakaroon ng regular na contact tracing.

“Sa loob ng isang buwan walang comprehensive report na sinusubmit ang Kamara sa CESU, yung mga nagpositive na asymptomatic baka gumaling na at nakapanghawa na ng iba, kung ganito na kalaki ang problema ay sana aminin na ng House Leadership para magkaroon na ng intervention ang DOH, huwag nilang pagtakpan ang mga naging lapses, bago pa may mamatay na naman”panawagan pa ng mga empleyado kung saan 5 na ang naitatalang nasawi sa COVID sa Kamara, 3 ay mga empleyado at 2 ang mambabatas.

Ang Kamara ay mayroong 8,000 employees kasama ang mga contractual at guards subalit sa nasabing bilang ay 2,000 lamang ang naisasailalim sa testing.

Samantala, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na isang mobile testing unit ang idi-dispatch ng lungsod sa Batasan Complex, aniya, kailangan na magkaroon na ng agarang contact tracing upang maisolate ang mga posibleng carrier para na rin maprotektahan ang komunidad.

Sa ipinalabas na report ng CESU, sa 98 empleyado ng Kamara na nagpositibo sa Covid ay 3 sa naging close contact nito ang tinamaan na din ng vius, sa 98 cases ay 59 ang residente ng Quezon City habang ang 39 ay sa ibang lugar nakatira.

Muli namang iginit ni CEU Diretor Rolly Cruz ang kahalagahan ng 24 hour reporting na itinatakda ng DoH,sa ganitong paraan umano ay makokontrol ang pagkalat ng virus.

Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act malinaw na itinatakda sa Rule VI na “whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern” kung saan kabilang dito ang mga sakit gaya ng COVID na maitatala sa mga workplace o pinagtatrabahuhan.

Ang hindi tatalima dito ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong ng 1 buwan, subalit kung ang offender ay isang public or private institution gaya ng Kamara, ang Chief o ang lider nito o si Speaker Velasco ang syang magiging liable, kung saan ang maaaring ipataw na parusa ay pagsibak sa tungkulin.

Excerpt: Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na isang mobile testing unit ang idi-dispatch ng lungsod sa Batasan Complex, aniya, kailangan na magkaroon na ng agarang contact tracing upang maisolate ang mga posibleng carrier para na rin maprotektahan ang komunidad.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.