Buhay ng mga sinasabing terorista at komunista, inilalagay sa panganib ng pamahalaan

Nangangamba sa kanilang buhay si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate kasunod ng patuloy na red-tagging at terrorist-tagging sa kanila ng pamahalaan.

Ayon kay Zarate, malaki ang implikasyon sa kanilang kaligtasan ng red-tagging sa kanila ng gobyerno.

Paliwanag ni Zarate, maikukunsiderang “hate crime” ang ginagawa sa kanila dahil ineengganyo na gumawa ng masama ang mga makakarinig nito laban sa mga miyembro ng progresibong grupo at malaking panganib ito hindi lamang sa kaligtasan nila at ng kanilang pamilya kundi pati na rin sa kanilang buhay.

Ilang beses na aniyang napatunayan na nalalagay sa panganib ang kanilang buhay katulad ng human rights defenders na pinaslang noon dahil sa kanilang pagiging kritiko ng pamahalaan.

Samantala, tinawag naman na “drug cuddler” ni Zarate ang pamahalaan partikular ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa iniharap na star witness sa Senado na si dating NPA rebel Jeffrey Celiz.

Si Celiz aniya ay nasa drugs watchlist ng pamahalaan noong 2016 at kwestyunable ang pagiging star witness nito laban sa kanila.

Ginagawa aniyang asset si Celiz upang siraan ang Makabayan bloc sa Kamara at bumubuo sa Koalisyong Makabayan.

Iginiit nito na wala namang matibay na ebidensyang maipakita ang pamahalaan na direktang mag-uugnay na sila ay front ng CPP-NPA at ginagamit lamang ang testigo para gawing asset at para siraan ang Makabayan.

Read more...