Mga nagpositibo sa COVID-19 sa Kamara, sa labas nakuha at hindi sa loob ng Batasan Complex

Inquirer file photo

Planong muling magsagawa ng mass testing ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa kanilang mga miyembro at empleyado sa Enero ng susunod na taon.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, gagawin ito bago ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara kasunod ng kanilang Christmas break.

Iginiit din nito na hindi sa Kamara nakuha ang sakit kundi ito ay sa labas o dahil sa community transmission.

Araw ng Martes, December 1, sinabi ni Mendoza na 98 ang naitalang COVID-19 positive cases sa Kamara matapos na isinagawa ang mass testing noong Nobyembre 10 sa halos 2,000 miyembro at kawani ng mababang kapulungan.

Kasunod ng mataas na kaso na naitala sa Kamara, sinabi rin ni Mendoza na wala silang balak na ipagbawal ang pagpasok ng mga bisita sa Batasang Pambansa Complex.

Paliwanag nito, mayroon naman mahigpit na health protocols ang ipinapatupad kasama na ang RT-PCR test at antigen test.

Bukod dito, limitado rin anya ang pagpasok ng mga bisita sa Kamara.

Hindi rin niya nito nakikita ang posibilidad na magpatupad ng lockdown sa Kamara.

Aniya, araw-araw naman silang nagsasagawa ng disinfection sa buong Batasan Complex.

Samantala, oras aniya na maging available na ang COVID-19 vaccine ay prayoridad ni House Speaker Lord Allan Velasco na mabakunahan ang mga miyembro ng Kamara at mga empleyado.

Read more...