Cotabato mall bomber patay sa engkwentro sa Cotabato City
Nasawi sa engkwentro ang umano ay utak ng New Year’s eve 2018 bombing sa isang shopping mall sa Cotabato City.
Nangyari ang engkwentro kahapon (Dec. 1) ng madaling araw sa Barangay Bagua 2, sa lungsod.
Nagtungo ang mga otoridad sa bahay ng suspek na si Abraham Abad Abdulrahman alyas ABU SUFFIAN para isilbi ang search warrant sa kaniya pero nanlaban ito sa mga otoridad.
Ayon kay PNP Chief, Police General Debold M Sinas, pinagsanib na pwersa ng Counter-Terrorism Division ng Regional Intelligence Units 12 at 15 ng PNP-IG, CIDG-BAR Regional Field Unit, PNP Special Action Force, at Cotabato City Police Office ang nagsagawa ng operasyon.
Pinuntahan ng mga otoridad ang bahay ng isang Jasmiyah Camsa Imbrahim para sa search warrant na inilabas ni Judge Allan Edwin Boncavil ng RTC Branch 19 ng Isulan City, Sultan Kudarat.
Si Abu Suffian na asawa ni Jasmiyah ay nanlaban sa operasyon na nauwi sa palitan ng putok.
Nakuha sa kaniya ang isang cal.45 pistol at isang granada.
Nakatakas naman ang misis niyang si Jasmiyah.
Maliban sa ginamit na armas ng suspek nakuha din sa bahay ang isang 60mm high-explosive mortar projectile, IED components, at motorsiklo.
May nai-rescue din na anim na menor de edad sa lugar.
Si Abu Suffian ay miyembro ng Dawlah Islamiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.