4 presidentiables, di napigilang magpasaringan sa debate
Hindi pinalampas ng apat na presidential candidates ang pagkakataon na harap-harapang patutsadahan ang isa’t isa sa ikalawang debate ng Commission on Elections na ginanap Linggo, sa Cebu.
Kaniya-kaniyang batuhan ng akusasyon at depensa sina Vice President Jejomar Binay, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe at dating interior secretary Mar Roxas.
Unang uminit ang argumento sa pagitan nina Binay at Poe, nang sabihan niya ang senadora na hindi siya tunay na Filipino.
“Paano (ka naging) tunay na Filipino, sumumpa ka na ikaw ay maging Amerikano? Ikinahihiya mo ang pinanggalingan mo!” sabi ng Pangalawang Pangulo.
Dumepensa naman si Poe at kinwestyon ang pagsuporta ni Binay sa mga overseas Filipino workers (OFW), dahil tila ibig sabihin aniya ng pahayag ni Binay ay kapag nanirahan na sa ibang bansa ay hindi na maaring bumalik sa bayan.
Giit ni Poe, ang panunungkulan sa bayan ay hindi tungkol sa kulay, kundi sa pagmamahal, dahil anupa’t nanirahan ka sa bansa ngunit nagnakaw ka naman ng pera.
Pumalag naman si Binay at iginiit na hindi pa siya nahahatulan kaya’t hindi siya dapat pagbintangan.
“Madame senator, kung magbintang ka parang ako ay na-convict na,” ani Binay.
Hindi rin nagpatalo ang argumento sa pagitan nina Duterte at Roxas, makaraang tawagin ng alkalde si Roxas na ‘pretentious’ o mapag-panggap.
Tinanong kasi ni Roxas si Duterte kung paano isasakatuparan ang pagpuksa sa kriminalidad at iligal na droga sa loob ng anim na buwan sakaling siya ang mahalal na pangulo.
Ani Roxas, “Hindi po ako takot mamatay. Ang akin lang, wag pumatay.”
Bumwelta naman si Duterte at sinabi kay Roxas na wala siyang ibang ginawa kundi umangkin sa nagawa ng iba, at tinawag pa niya itong mapagpanggap.
“Alam mo wala kang ginawa. Getting credit (sa) hindi mo ginawa. You’re pretentious,” sagot ni Duterte.
Samantala, nagkatapatan rin ang ilang beses nang nagpapasaringan na sina Binay at Roxas tungkol sa umano’t mabagal na pag-usad ng rehabilitasyon sa mga nasalanta ng super bagyong Yolanda.
Giit ni Binay, hindi umano ni-liquedate ng dating kagawaran ni Roxas na Department of Interior and Local Government (DILG) ang P7 bilyong pondong nakalaan dito.
Paliwanag ni Roxas, tapos na iyon at ang kaniyang hawak na impormasyon ay noong 2014 pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.