Presidentiables, muling nagbitiw ng kanilang mga pangako
Sa kanilang mga huling pahayag pagkatapos ng ikalawang presidential debate ng Commission on Elections (COMELEC) sa Cebu, kaniya-kaniyang bitiw ng mga pangako sa bayan ang mga nagna-nais na sunod na manungkulan sa bansa.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, mas importante ang malasakit sa bawat mamamayang Pilipino.
Aniya pa, “The Filipinos deserve no less for president.”
Si Liberal Party standard bearer Mar Roxas naman ay muling nanawagan sa pagpapatuloy ng “daang matuwid.”
Dagdag pa ni Roxas, “Kung may kulang, punuin natin. Kung may mali, itama natin,” at aniya, dapat na ibalik ang Pilipinas sa mga disenteng tao.
Balak namang dagdagan ni Sen. Grace Poe ang mga kulungan sa bansa para doon aniya ipiit ang mga tiwali sa pamahalaan, kaalyado man o hindi.
Plano rin ng senadora na italaga bilang crime czar si Col. Ariel Querubin, na pinagkakatiwalaan niyang makakapigil sa paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Bukod dito, nais rin ni Poe na ituloy ang mga plano niyang proyekto sa Visayas, tulad ng mga tulay na magdudugtong sa Mactan at Cebu; Iloilo City at Guimaras; at Guimaras at Negros.
Samantala, sinabi naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na bagaman hindi niya maipapangako ang langit sa mga mamamayan, ipapangako naman niyang susupilin niya ang kriminalidad, iligal na droga at katiwalian sa pamahalaan sa loob ng unang anim na buwan ng kaniyang panunungkulan.
Ang mga ito aniya kasi ang dahilan kung bakit mabagal ang pag-usad ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.