P724-M cash subsidy, naipamahagi sa PUV operators
Aabot sa P724 milyong cash subsidy ang naibigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) sa mga operator ng pampublikong bus at jeepneys o public utility vehicles (PUVs).
Ibinigay ito sa mga apektado ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, kabilang ang nasabing ayuda sa P1.158 bilyong budget para sa Direct Cash Subsidy Program sa ilalim ng “Bayanihan To Recover As One Act” o Bayanihan 2.
Tiniyak nito na magpapatuloy ang pamimigay ng ayuda sa mga operator ng bus at jeep.
“Ito ay patunay na determinado ang pamahalaan na sila ay tulungang makabangon, at ‘di sila pababayaan habang dumaranas tayong lahat ng hagupit ng pandemya,” pahayag ni Chairman Delgra.
Sinabi ng LTFRB na ang bawat operator ay nabigyan ng P6,500 kada PUV unit na nasa ilalim ng kanilang prangkisa.
Aniya pa, kabuuang P1.158 bilyong pondong inilaan ng pamahalaan para sa subsidy, 62.53 porsyento na ang naipamahagi sa pagtaya hanggang November 27.
Sinabi ni Delgra na ang natitirang 37.47 porsyento ay ibibigay sa mga PUV operator sa loob ng linggong ito.
Naipadala na rin sa mga operator na may “non-LBP accounts” ang P48,106,500 subsidy sa araw ng Martes, December 1.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.