Kamara umamin na mayroong 98 kaso ng COVID-19; QC CESU iimbestigahan ang mga kaso

Matapos na kalampagin ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa kanilang late reporting ng COVID cases ang House of Representatives ay umamin ito na mayroong 98 confirmed COVID cases ang mula pa noong Nobyembre 10.

Sa isang press release na ipinalabas ng tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco, ay inamin nitong mayroong 98 confirmed cases ang Kamara, ang mga ito ay base sa resulta ng kanilang isinagawang mass testing, gayunpaman, hindi nito idinetalye kung ilan ang mga apektadong kawani at ilan ang mga mambabatas.

Ang 98 confirmed cases ay hindi naka-report sa QC-CESU na taliwas sa itinatakdang 24 oras na reporting ng mga COVID cases.

Una nang sinabi ng QC-CESU na mahihirapan na sila ngayon sa gagawing contact tracing lalo na at lumipas na ang 20 araw.

Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz tanging 40 cases lamang ang kanilang nasa listahan na pawang nagself-reporting, ang mga naireport na kaso na ito ang syang dahilan kung bakit nila kinalampag at hinihingan ng report ang Kamara dahil wala itong isinusumite sa tanggapan.

“’Yung 40 cases na ito ay pawang nakatira sa mga barangay sa paligid ng Batasan Complex, nang aming tanungin kung saan nila nakuha ang virus ay sa kanilang workplace sa Kamara, inaalam natin ngayon kung itong 40 cases na nasa aming listahan na mga kawani ay kasama na sa 98 cases na dineclare ngayon lang ng Mababang Kapulungan o hiwalay pa ito,” paliwanag ni Cruz.

Aniya, kanila na ding iimbestigahan kung saan at paano nakuha ng 98 confirmed cases ang virus , kung ito ay pawang sa Kamara nakuha o sa ibang lugar at kung may batayan para ipasara pansamantala ang tanggapan.

Iginiit ni Cruz na dapat ay 24 oras lamang ay naireport na ang COVID cases para sa gagawing contact tracing,subalit sa kaso ng Kamara ay tumagal ito, aniya, magsusumite sila ng report sa Department of Health(DOH) ukol sa kanilang magiging findings sa dahilan ng late reporting ng Mababang Kapulungan.

Ang 98 confirmed cases sa buwan ng Nobyembre ng Kamara ay hiwalay pa sa nauna nang 80 COVID cases na naitala simula Marso 2020 kung saan 2 mambabatas at 3 empleyado ang nasawi.

Samanatala hindi naman nagpaliwanag ang Kamara ukol sa late reporting na kanilang COVID cases na nagresulta para maging huli na din ang gagawing contact tracing.

Isinisi naman ng mga kawani ng Kamara ang paglobo ng mga kaso ng COVID cases sa ahenya sa hindi istriktong pagsunud sa quarantine protocol mismo na rin ng mga House Leaders.

Tinukoy ng mga ito sina Speaker Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol nang patuloy pa rin itong pumapasok sa Kamara sa kabila ng kanilang exposure sa COVID positive na si TESDA Chair Isidro Lapeña.

Sinabi ni Romero na nagnegatibo sila sa test matapos na maexposed kay Lapeña ngunit hindi naman ito sumailalim sa 14 day quarantine dahil nakita itong dumadalo sa mga hearing at courtesy call sa Kamara.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang COVID patient kahit pa man nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring magdevelop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

Ayon sa report, kasama ng mga House Leaders sa isang dinner sa Shangri La Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19 makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña subalit hindi nagquarantine ang mga House Leaders at noong Nobyembre 24 ay pinangunahan pa nina Velasco at Romero ang hearing ng Kamara sa epekto ng Bagyong Ulysses at Nobyembre 25 ay makikita sa website ng Kamara na tumanggap pa sila ng courtesy call mula kina Labor Secretary Silvestre Bello at PNP Chief Debold Sinas.

Bukod sa paglabag sa quarantine ay nilabag din ng mga House leaders ang guidelines ng DoH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering, maiban sa 5 House Leaders at si Lapeña ay kasama din sa dinner meeting sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Information Secretary Gregorio Honasan, Environment Secretary Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against COVID-19 Chief Carlito Galvez at Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista,.

Minaliit din ng mga kawani ang ginawang mass testing dahil maliit na porsiyento lamang ito, nasa 8.000 umano ang kawani ng Kamara kabilang ang mga contractuals at guards ngunit 2,000 lang ang isinailalim sa pagsusuri.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...