Luchi Cruz-Valdes, humingi ng tawad dahil sa ‘serious miscommunication’ sa debate

SCREENGRAB FROM TV5
SCREENGRAB FROM TV5

Humingi ng paumanhin sa publiko at sa mga presidential candidates ang ehekutibo ng TV5 news at moderator ng panglawang presidential debate ng Commission on Elections (COMELEC) na si Luchi Cruz-Valdes.

Ito ay makaraang maantala ng mahigit isang oras ng debate dahil sa ‘serious miscommunication’ na naganap sa pagitan nila at ng kampo ni Vice President Jejomar Binay.

Nasabihan kasi ang kampo ni Binay na maaring magdala ng notes sa podium, na maaring basahin ng kandidato habang nasa debate.

Ayon kay Valdes, una nang nakasaad sa patakaran ng COMELEC na bawal sa kandidato ang pagdadala ng anumang notes o dokumento sa kasagsagan ng debate.

Partikular na naganap aniya ang miscommunication sa pagitan niya at ng kampo ng Bise Presidente, at ito aniya ay dahil hindi siya nasabihan tungkol sa nasabing patakaran.

Paliwanag ni Valdes, apat o limang araw na ang nakalipas, tinawagan siya ni Cong. Toby Tiangco para kumpirmahin kung maari bang magdala ng notes si VP Binay.

Dahil aniya sa kagustuhan niyang pumunta ang lahat ng kandidato sa debate, at sa kawalan na rin ng kaalaman tungkol sa nasabing patakaran, sinabi niya na sa palagay naman niya ay puwede.

Kamakailan na lamang aniya niya nalaman na labag pala iyon sa patakaran ng COMELEC.

Ipinaliwanag rin ni COMELEC Chairman Andres Bautista na sa simula pa lamang ay laman na ito ng kanilang mga patakaran para sa debate, kaya naman mariing nag-protesta ang iba pang mga kandidato.

Nabigyan naman ng pagkakataon ang kampo ni Binay para ipaliwanag ang kanilang panig, habang ang ibang kandidato, partikular na si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na dapat sundin ang nagpag-usapang patakaran.

Read more...