Paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Kamara iniimbestigahan ng QC-CESU

By Dona Dominguez-Cargullo November 30, 2020 - 06:11 AM

Iniimbestigahan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang kaso ng COVID-19 sa House of Representatives kasunod ng naitalang mahigit sa 40 kaso na pawang nakuha ng mga pasyente sa kanilang trabaho.

Kinalampag din ng Quezon City-CESU ang Kamara na isumite sa kanila ang kumpletong listahan ng mga COVID-19 cases at hindi umano ito dapat naantala dahil malinaw sa batas na walang exempted at dapat agaran ang pagsusumite ng report sa mga kaso ng COVID.

Ayon kay Quezon City-CESU Director Dr. Rolly Cruz ang mahigit 40 cases na kanilang naitala ay pawang naninirahan sa Batasan at kalapit na barangay at ang workplace na kanilang inilagay ay sa Kamara.

“Sa mga cases na hawak namin sinasabi nila na nakuha nila ang virus sa loob ng Kamara , sa mismong pinagtatrabahuhan nila, kaya ito ngayon ang aming iniimbestigahan kung paanong nagkahawahan” pahayag ni Cruz.

Inamin ni Cruz na dahil pending ang report ng Kamara kaya nahihirapan silang i-trace kung ilan ang tunay na COVID cases, aniya,kahit nagsasagawa na sila ng contact tracing ay nagiging limitado lang din dahil sa kawalan ng full disclosure mula sa Kamara.

Sa tanong kung masasabing outbreak na ang mga COVID cases sa Kamara at maaaring ipasara ang tanggapan, sinabi ni Cruz na kanila itong ie-evaluate sa oras na makuha nila ang report.

Una nang nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kawani ng Kamara kina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero, Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag umano sa quarantine protocol.

Ang mga House leader ay may direktang exposure kay TESDA Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus dahil magkakasama silang dumalo sa isang dinner meeting.

Sa pahayag sinabi ni Romero na nag-negatibo naman sila sa isinagawang COVID-19 test pero sa ilalim ng health guidelines ng Department of Health (DoH) na kahit negative sa test ay dapat pa rin na sumailalim sa 14-day quarantine.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang COVID patient kahit pa man nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring mag-develop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

Ayon sa ulat, kasama ng mga house leaders sa isang dinner sa Shangri La Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19 makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña.

Hindi naman nakubli ng mga staff ng Kamara ang pag-aalala sa nangyari at naglabas ng pagkadismaya sa house leaders.

Aminado ang mga kawani na bulag sila sa mga kaso ng COVID cases sa Kamara dahil walang regular reporting na nangyayari at walang transparency.

Anila noong panahon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ay mayroong full transparency sa kaso at laging may update ng COVID cases si dating House Secretary-General Jose Luis Montales.

Samantala, kinumpirma ni Sorsogon Rep. Evelina Sorsogon na nagpositibo sya sa COVID noong nakaraang buwan at ipinagbigay alam nya ito kay Speaker Velasco ngunit ang impormasyon na ito ay rin hindi nai-report sa media.

Ipinaliwanag ni Escudero na asymptomatic at maaari na nagkaroon ng false-negative sa kanyang test subalit para makiguro ay nagself quarantine pa rin ito.

 

TAGS: covid cases, House of Representatives, QC CESU, covid cases, House of Representatives, QC CESU

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.