Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat umapela sa AFP na huwag gamitin sa kanilang propaganda ang pagkamatay ng kaniyang anak sa isang engkwentro
Umapela sa Armed Forces of the Philippines (AFP) si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na huwag gamitin sa kanilang propaganda ang pagkamatay ng kaniyang anak sa engkwentro sa Surigao del Sur.
Ang anak ni Cullamat na si Jevilyn, 22 anyos ay nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Army at New People’s Army noong Sabado.
Kinondena ng mambabatas ang aniya ay ginawang pambabastos at pambababoy sa labi ng kaniyang anak.
“Mariin kong kinokondena ang ginawang pambabastos at pambababoy sa labi ng aking anak. Hindi siya bagay, hindi siya isang tropeo na ipaparada para lamang sa propaganda ng militar,” ayon sa pahayag ni Cullamat.
Maituturing aniyang pambabastos sa nagluluksa nilang pamilya ang ginawa ng militar.
Kasabay nito, sinabi ni Cullamat na bagaman mahal na mahal niya si Jevilyn at ayaw niyang mawalay dito, inirespeto niya ang pasya nitong sumapi sa armadong pakikibaka.
Ang naging pasya aniya ng kaniyang anak ay dahil nasaksihan nito ang pang-aabusong dinanas nilang mga Lumad at ang matinding kahirapan.
Sinabi ng mambabatas na hindi nasayang ang buhay ng kaniyang anak dahil inialay niya ito para sa bayan at upang idepensa ang kanilang mga ninuno.
“Walang pag-alinlangan kong sasabihin ito: ipinagmamalaki ko si Jevilyn dahil lumaban siya sa isang sistemang mapang-api lalo na sa aming mga Lumad. Walang nanay na magtatakwil sa anak na nagsantabi ng pansariling interes at nag-alay ng kanyang buhay para sa bayan at para sa pagdepensa sa aming lupang ninuno,” ayon pa kay Rep. Cullamat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.