Sen. Win Gatchalian may takot sa pagtaas ng ‘teenage pregnancy’ cases dahil sa mga bagyo

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa gobyerno na kumilos para maiwasan ang posibleng pagtaas ng bilang ng pagbubuntis ng mga menor-de-edad sa mga lugar na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

Paalala nito, biglang dumami ang teenage pregnancy cases matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda noong 2013.

Aniya base sa datos ng National Research Council of the Phils., ng DOST, nang manalasa ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas, 23.5 percent ng mga dalagita sa rehiyon ay nabuntis at 14.8 percent sa kanila ay nabuntis muli sa sumunod na taon.

Sinabi ni Dr. Gloria Nelson, na siyang nagsagawa ng pag-aaral, malaki ang posibilidad na ang mga edad 10 hanggang 19 ang madalas mabuntis sa mga relocation at evacuation centers.

Ito, pagdidiin ni Gatchalian, kayat dapat ay siguraduhin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at LGUs ang proteksyon ng mga babaeng menor de edad.

Napakahalaga din aniya na matiyak na patuloy ang implementasyon ng reproductive health programs.

Ayon pa kay Gatchalian ang pandemya dala ng COVID 19 ay nag-ambag na sa pagtaas ng bilang ng mga maagang nabubuntis sa ilang bansa.

 

 

 

Read more...