May binabantayang low pressure area (LPA) ang PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, huling namataan ang LPA sa layong 265 kilometers Silangan ng Infanta, Quezon bandang 3:00 ng hapon.
Inaasahang lalapit ang LPA sa bahagi ng Isabela – Cagayan area, at maging sa ilang parte ng Aurora.
Bunsod nito, posible aniyang magdulot ng pag-ulan ang LPA hanggang Biyernes ng umaga, November 27.
Gayunman, sinabi ni Ordinario na malabo itong lumakas at maging bagyo.
Posible aniyang malusaw ang LPA anumang oras hanggang sa araw ng Biyernes.
Maliban dito, ani Ordinario, wala nang namamataang sama ng panahon sa loob ng bansa.
Samantala, patuloy naman aniyang umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan sa malaking bahagi ng Luzon.
Dahil dito, asahan ang malamig na panahon lalo na sa Silangang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon.