Tripartite agreement sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19, ikakasa na

Lalagdaan na sa Biyernes, November 27 ang tripartite agreement para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 ng Pilipinas sa AstraZeneca sa United Kingdom.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr., ito ay para sa inisyal na pagbili na dalawang milyong doses ng bakuna.

“This coming Friday pipirma po tayo ng tripartite agreement na kung saan tayo po ay makakabili ng dalawang milyong doses ng bakuna mula sa AstraZeneca ng United Kingdom. Kasama po natin ang pribadong sektor na nagdonate nito,” pahayag ni Galvez.

Mura at 90 percent na epektibo ang bakunang gawa ng AstraZeneca.

Bagamat malapit na sa katotohanan ang pagkakaroon ng bakuna sa Pilipinas, patuloy na nanawagan si Galvez sa publiko na sumunod pa rin aa health protocols kontra COVID-19.

Ito ay ang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, at isang metro ang layo sa bawat isa.

60 milyong Filipino ang target na mabakunahan kontra COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Galvez, 20 milyong Pinoy lang ang kayang bakunahan kada taon.

Kaya maaaring abutin ng tatlo hanggang limang taon bago maturukan ang lahat ng 60 milyong target na Filipino.

Marami daw kasing balakid na kakaharapin kung kaya matatagalan na agad na mabakunahan ang lahat na 60 milyong Filipino sa loob ng isang taon.

Una ang supply at demand sa bakuna at storage facility.

Bukod sa AstraZeneca, nakikipag-negosasyon na rin ang Pilipinas sa Kompanyang Sinovac sa China at Pfizer sa Amerika para sa karagdagang bakuna.

Read more...