Bank secrecy law, dapat paluwagin – AMLC
Naniniwala si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor at Anti-Money Laundering Council (AMLC) chair Amando Tetangco Jr. na dapat luwagan ang bank secrecy law.
Sa muling panawagan ni Tetangco, iginiit niya na nahahadlangan ng bank secrecy law ang laban ng bansa kontra money laundering.
Ayon kay Tetangco, dapat luwagan ang batas na ito at payagan ang pag-obserba sa mga bank deposits, kahit sa ilalim ng ilang mga kundisyon.
Aniya, oras kasi na umabot na ang isang kaso sa AMLC, doon na nag-uumpisa ang imbestigasyon dahil nangyari na ang insidente.
Paliwanag ni Tetangco, dapat magkaroon na ang ating bansa ng preventive measures upang maiwasan o mapigilan na ang money laundering bago pa man ito mangyari.
Hinahadlangan kasi ng napaka-higpit na bank secrecy law ang ganitong klase ng aktibidad.
Dahil dito, bukas si Tetangco na pagaanin o kaya ay tuluyan nang alisin ang bank secrecy law sa ilang mga kundisyon na hindi naman niya nabigyan pa ng detalye.
Matatandaang iniimbestigahan na ng ALMC, National Bureau of Investigation at Senado ang pinakamalaki at pinakamabilis na money laundering scheme na naganap dito sa Pilipinas.
Ipinatawag na rin ng Department of Justice ang sa sa mga itinuturong may pananagutan sa money laundering ng $81 million na si RCBC Jupiter Makati branch manager Maia Santos-Deguito.
Samantala, naghahanda naman na si Sen. Serge Osmeña III na chair ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies na mag-panukala ng amyenda sa anti-money laundering law (AMLA).
Ayon kay Osmeña, nais na niyang masakop ng AMLA ang gaming tulad ng casino, at baka pati ang mga real estate brokers at art dealers.
Tulad ni Tetangco, nais rin ni Osmeña na paluwagin ang bank secrecy law.
Sakaling lumabas sa imbestigasyon na may mga karampatang hakbang na dapat gawin ang AMLC, tiniyak ni Tetangco na malugod nila itong gagawin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.