Medical frontliners, hindi na dapat ikaroling ang hazard pay – Recto
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat ay gawin ‘New Year’s resolution’ ng gobyerno na bago matapos ang 2020 ay naibigay na ang hazard pay at iba pang benepisyo sa health workers.
Ayon pa kay Recto, hindi na dapat hintayin na mangaroling ang health workers para sa kanilang mga benepisyo dahil labis-labis ang utang ng loob ng sambayan sa ginawa nilang sakripisyo.
Aniya, ang mga ito rin ang magbabakuna sa mamamayan kayat dapat sa pagpasok ng bagong taon ay walang utang sa kanila.
Diin ni Recto, kung ngayon pa lang ay may problema na sa pagbabayad ng iilan, maaaring mapagdudahan ang plano ng gobyerno sa pagbabakuna sa milyun-milyong Filipino.
Noon lang nakaraang linggo, nagpalabas ng dalawang kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng karagdagang P3,000 hazard pay kada buwan ang health workers na frontliners sa pakikidigma sa COVID-19.
Nais din ng Pangulo na mabigyan ng P5,000 special risk allowance ang lahat ng private at public health workers na direktang nakakaharap ng mga pasyenteng taglay ang Coronavirus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.